Footer

Ang Literatura Ilokana sa Lungsod ng Baguio (Unang Bahagi)

(Insubmitir ti author daytoy a sinurat sadiay Unibersidad ng Pilipinas, Baguio para iti panagadal ken kanayonan nga impormasion maipapan iti Literatura Ilokana iti Baguio.)

Ang literatura Ilokana sa Lungsod ng Baguio ay buhay na buhay. Ang patuloy na paglago nito ay dahil sa pagpapahalaga ng isang katangian ng mga Ilokano — na kahit saan man magpunta ay dala-dala ang sariling dila, kultura at pamumuhay. Kahit saan, kahit kailan, hindi ikinahihiya ng mga Ilokano ang kanilang sariling dila.

Ikaapat na dekada na ang samahan ng mga manunulat ng Iluko sa Baguio. Unang itinatag ang samahan ng mga manunulat ng Iluko noong ika-14 ng Nobyembre 1966 at ang mga napiling opisial ay sina: Rodrigo Manongdo, presidente; Luis D. Corpuz, bise presidente; Orlando B. Cabotaje, sekretaryo; Anselmo M. Corpuz, tesorero; Lorenzo Cacanindin, PIO; adbayser naman si Flora C. Manongdo. Simula noon hanggang ngayon, aktibo pa rin sa pagsusulat ng Iluko si Manong Rodrigo Manongdo.

Magtatatlumpong taon na rin mula ng naganap ang unang eleksiyon ng GUMIL Filipinas noong ika-19 ng Oktubre 1968, na ginanap sa Baguio Technical School, na ngayon ay University of Baguio. Ang ibig sabihin ng GUMIL ay Gunglo Dagiti Mannurat nga Ilokano o Association of Ilocano Writers.

Noong dekada 70 at 80 ay lumitaw ang mga bagong sibol ng mga manunulat ng Iluko sa lungsod, sina, Jaime Luzano, Pedrito Sanidad, Bagnos Cudiamat, Peter La. Guardia, Francisco Quitazol at marami pang iba.

Noong ika-29 ng Hunyo 1987, nareorganisa ang samahan ng mga manunulat ng Iluko sa ilalim ng GUMIL Filipinas. Tinawag na GUMIL Baguio,, sa pamumuno ni Bagnos G. Cudiamat, presidente; Pedrito L. Sanidad, bise presidente; Josephine Iwatani, sekretaria, Marietta Ramolete, tesorera; Myrna Rodrigo, auditor; Clarita Sumahit, at Eusebio Tanicala ang mga Business Managers; PIO si Reynaldo Cadangen. Tagapayo sina: Peter La. Julian, Atty. Aurelio Galacgac, Tolentino Opiniano, Beth Opiniano, Jun Biniegas at Oscar Tibayan. Ang mga miyembro naman ay sina Jaime M. Agpalo, Jr., Junie Cowat, Elvira Iwatani, Jaime Luzano, Charlie Pinto, Arlene Soriano, Alvin Tanicala, Art Tibaldo at Elma Valdez.

Napakaaktibo ang samahan sa pagpapalago ng Literatura Ilokana, hindi lamang sa pagsusulat kundi ang pagtuturo ng pagsulat ng literatura at campus journalism sa pama-magitan ng mga seminar workshops para sa mga Ilokanong mag-aaral na tinugonan naman ng Baguio City National High School, Baguio Colleges Foundation (High School at College Department), University of Baguio, at Baguio Central University (college at high school department).

Noong ika-28 ng Hulyo 1990 muling naganap ang pagkakakaluklok sa tungkulin ng bagong itinatag na GUMIL, mas malawak ang saklaw dahil hindi lamang taga-Baguio ang nagmiyembro kundi pati na rin ang mga naninirahan ng probinsya ng Benguet. Kaya tinawag na GUMIL Baguio-Benguet. Ang mga opisyal ay sina Roger Salibad, presidente; Reynaldo Cadangen, vice president for Benguet; Pedrito L. Sanidad, vice president for Baguio City; Avelina Jackie Acoba Ver, sekretaryo; Tolentino Opiniano, tesorero; Bagnos Cudiamat, auditor; Domiciu Cimatu, Jr., PIO; mga direktor sina Peter La. Julian, Jaime Agpalo, Jr., Nonoy Pizzaro, Atty. Ruben Corpuz, Atty. Nap Fernandez, Primo Agatep, Delfin Pacio, Bobby Gutierez, Carol Gamiao at si Oscar Tibayan ang tagapayo. Napakaaktibo ang GUMIL Baguio-Benguet, nagtatag pa ang presidente nito ng isang magasin, ang Tribu Magazine at isang pahayagan, ang Tribu Newspaper at nagkaroon ng pagsusulatan ng mga miyembro. Ngunit sa pagkamatay ng presidente, namahinga ang grupo.

[ May karugtong ]