Footer

Linggwistik na demokrasya, mapagpalayang wikang pambansa, panlipunang katarungan at… (Unang yugto)

MAGPAHANGGA ngayon, maraming taon mula nang hirangin ang Filipino bilang wikang pambansa, ay nakabuntot pa rin na parang madilim na anino ang isang uri ng kalituhan sa maraming mamamayang Filipino tungkol sa kung ano nga ba ang hugis at mukha at anyo ng wikang pambansa.

Linggwistik na demokrasya, mapagpalayang wikang pambansa, panlipunang katarungan at dibersidad ng wika at kultura

(Si Dr. Agcaoili ay nagturo sa University of the Philippines, Diliman ng mahigit na 20  taon bago lumipat sa Unibersidad ng Hawaii sa Manoa. Ang sanaysay niyang ito ay nagkamit ng Ikalawang Gantimpala sa 2006 Gawad sa Sanaysay, Komisyon ng Wikang Filipino, Republika ng Filipinas -Ed.)

MAGPAHANGGA ngayon, maraming taon mula nang hirangin ang Filipino bilang wikang pambansa, ay nakabuntot pa rin na parang madilim na anino ang isang uri ng kalituhan sa maraming mamamayang Filipino tungkol sa kung ano nga ba ang hugis at mukha at anyo ng wikang pambansa. Kakambal ng ganitong uri ng pagkalito ang mapanggahum na kapangyarihan ng wika ng sentro ng komersiyo, midya, administrasyong pampulitika, at akademya. Ang resulta ng ganitong kaayusan ay ang patuloy na pagkakait sa nakararaming mamamayan sa kanilang demokratikong karapatan sa wika at kultura, pagkakait, kumbaga, sa mga batayang karapatang pantao. Sapagkat karugtong ng karapatan na mabuhay ng sagana at walang pangamba sa sariling bayan ang batayang karapatan na sipatin at unawain ng mundo ayon sa lente ng wikang itinatadhana o kinagigiliwan ng puso at kaluluwa ng taong sumisipat o umuunawa sa mundo. Minsan, ang historikal na aksidente ng kapanganakan ay nagiging basehan ng ganitong lente at marami sa mga pamayanan sa Filipinas na malayo sa sentro ng kapangyarihan at administrasyon ng kultura ang may ganitong kalagayan. Pambansa man o pampamayanan ang wika, alin man sa mga ito ay kapwa nagbibigay hugis at anyo ng mundo, ng daigdig sa labas at loob ng tao. Ibig sabihin, isinasalin ang mundo, at ganun din ang substansyal na karanasang pantao, sa kategorya at kakayahan ng wika na gawing pamilyar ang dambuhalang mundong materyal at mundo ng karanasan. Ang ganitong relasyon ay nagpapakita ng mahigpit na ugnayan ng wika at mundo: ang mga mundo ay binubuo ng wika, at ang mga wika ay naglilikha ng mga mundo.

Lito ang maraming Filipino sa kasalukuyang hugis at topograpiya ng Filipino bilang wikang pambansa sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling nakakulong ang artikulasyon at elaborasyon nito sa mga mga lumuting prinsipyo ng kabansaan, ng identidad, ng demokrasya, at ng panlipunang katarungan.

Isinusulong ng sanaysay na ito, kung gayon, ang isang argumento: na hangga’t hindi tinutugunan ng Filipino bilang wikang pambansa ang mga usapin tungkol sa pluralidad at dibersidad ng mga wika, kultura, at kabihasnan ng mga Filipino saan man sila naroroon ay mananatiling watak-watakin ang disin-sana’y nag-uugnay-ugnay na mga wika at kultura at diwa ng Filipinas, at bilang resulta ay patuloy ang pagkawatak-watak ng mga Filipino. Ang pagkawatak-watak na ito ay nagbubunga ng mapansariling pagsasarili. Sa ganitong kalagayan, hinding-hindi kailan man mapagtatagumpayan ang mithiin sa pambansang kasarinlan.

Isinusulong ng ganitong argumento tungkol sa wikang pambansa ang kahalagahan, at ang kalagahang ito ay hindi puwedeng mababale-wala sa diskurso ng pagiging pambansa ng wikang Filipino, ang tatlong salik na tumutugon sa hamon ng kaisipan na “ang wikang pambansa ay binubuo ng mga wika sa Filipinas.” Ang mga salik na ito, sa aking tingin, ay mga conditio sine qua non ng pagiging wikang pambansa ng Filipino ayon sa isinasaad ng saligang batas: (1) bansa at kabansaan; (2) mapagpalayang demokrasya; at (3) panlipunang katarungan.

Ang ganitong tesis ay isang pagsisiwalat ng isang ideyal, bisyon, pangarap, at pangyayari sa pagnanais na, mula ngayon, ang Filipino bilang wikang pambansa ay hindi na wika ng iilan. Na hindi na ito wika ng makapangyarihang radyo at telebisyon at pahayagan at ilang pang mga industriya ng kaalaman at kulturang popular na pagmamay-ari ng mga nasa sentro ng kalakalan at kapangyarihang politikal. Na hindi na ito wika ng iilang taong nakapag-aral sa mga lumuting baybayin ng mga lumuting probisyon ng mga lumutin nang pagtatangkang isabatas ang hugis, anyo, at mukha ng wikang pambansa.

Ipinapaalala ng ganitong tesis na ang proyekto at programang nakatuon sa pagbubuo ng isang tunay na “Filipino bilang wikang pambansa” ay hinding-hindi kailan man tumatanggap ng panggitnang daan. Ano mang uri ng pagbabago at pagsasakatuparan ng mga kahingian ng mapagpalaya, sapagkat panlahat, na pagbabago ay hindi tumatanggap ng mga kompromiso at negosasyon at akomodasyon mula sa mga puwersang laban sa tunay na kalayaan at kasarinlan.

Lahat ng uri ng pagbabago kasama ang pagbabago sa depinisyon ng Filipino bilang wikang pambansa ay hindi maaaring magsimula sa wala, sa zero, samakatwid, humihingi ang bawat pagbabago ng radikal na pagtingin sa mga wika at kultura sa Filipinas. Ang radikal na pagtingin na ito ay may kinalaman sa definitibong pagkilala sa lahat ng mga wika at kultura ng bansa, pagkilalang totoo, pagkilalang walang labis, pagkilalang walang kulang, pagkilalang nagpapahalaga sapagkat nagbibigay ng puwang at espasyo para sa lahat.

Sa pagsasaproyekto at pagsasaprograma ng Filipino bilang tunay na wikang pambansa, at sa tunay na Filipino bilang wikang pambansa, mahalaga rito ang pag-uusig sa kalabisan, sa oportunismo, sa kasalanan, at sa kabalintunaan ng kasaysayan. Mahalagang balikan ang nakaraan at suriin ang sistemasidong pagsasanaturalisado ng isa o ilang wika ng sentro bilang wikang pambansa. Sa pagsusuring ganito, ihahayag ang mali upang maitama ito at mabigyan ng kaukulang tugon ang katanungan tungkol sa inhustisyang ipinataw, at patuloy na ipinapataw, sa nakararaming mamamayan.

Sa panibagong artikulasyon at elaborasyon ng Filipino bilang wikang pambansa, ng tunay na Filipino bilang tunay na wikang pambansa, magpapanibago ang pilosopiya ng wikang gagamitin at sa pagpapanibago ng pilosopikal na basehan, tiyak na may masasagasaan.

(May karugtong)

Comments are closed.