Footer

Linggwistik na demokrasya, mapagpalayang wikang pambansa,… (Ikatlong yugto)

Sa higit na praktikal na pagtataya, kung ang reyalidad ng pagiging isang bansa ay ang mayamang reyalidad ng pagiging marami at pagiging iba’t-iba ng wika, kabihasnan, at kultura ng mga komunidad na bumubuo nito, hindi kung gayon angkop na iisa o iilan lamang ang mananaig na expresyon ng mga bagay na maituturing na pambansa tulad ng wika.

Linggwistik na demokrasya, mapagpalayang wikang pambansa, panlipunang katarungan at dibersidad ng wika at kultura

(Si Dr. Agcaoili ay nagturo sa University of the Philippines, Diliman ng mahigit na 20 taon bago lumipat sa Unibersidad ng Hawaii sa Manoa. Ang sanaysay niyang ito ay nagkamit ng Ikalawang Gantimpala sa 2006 Gawad sa Sanaysay, Komisyon ng Wikang Filipino, Republika ng Filipinas -Ed.)

Sa higit na praktikal na pagtataya, kung ang reyalidad ng pagiging isang bansa ay ang mayamang reyalidad ng pagiging marami at pagiging iba’t-iba ng wika, kabihasnan, at kultura ng mga komunidad na bumubuo nito, hindi kung gayon angkop na iisa o iilan lamang ang mananaig na expresyon ng mga bagay na maituturing na pambansa tulad ng wika. O dili kaya ang kultura na itinatakda lamang ng sentro ng administrasyong pampulitika tulad ng pagkokonsiyerto ng mga musikerong nakaamerikana at pagbabaley ng mga baylerinang ang tanging alam na sayaw at galaw ng paa ay nagmumula sa mga kosmopolitang dambuhalang siyudad sa Kanluran. Tulad ng mga musikerong ang alam ay si Mozart at si Bach, ang mga baylerina ay nasa ganoon ding hugis at anyo ng kamangmangan: hindi kailan man nila alam o inalam ang arikenken ng mga taga-Hilaga o singkil ng Kamindanawan, tulad ng di pag-alam ng mga musikero ng kutibeng ng mga Ilokano o ng plawtang kawayan ng mga Kalinga o Yapayao.

Ang ganitong konseptuwalisayon ng demonstrasyon at pagsasapraktika ng kultura na tumatanggap sa mga istandard ng iba at banyaga subalit walang kakayahang pahalagahan ang sariling mga expresyong pangkultura o dili kaya ang pagpapanatiling pikit-mata sa mga sinaunang at/o katutubong expresyon ng diwa ng ibang mamamayan ng bansa ay isang sutil na gawain.

Sutil, sapagkat walang katinuan.

Walang katinuan sapagkat hindi kumikilala ng ibang uri ng kaalaman, kapantasan, kabutihan, kagandahan.

Kakawing, kung gayon, ng usapin tungkol sa Filipino bilang isang wikang pambansa, ang tunay na Filipino bilang tunay na wikang pambansa, ang samu’t-saring usapin tungkol sa kayamanang alay ng mga wika sa bansa, mga kultura sa iba’t ibang pamayanan, mga diwain sa mga pagsasapraktika ng mga kahingian sa pang-araw-araw na buhay, at lampas-lampas sa kaisipang taglay ng isang maliit lamang na bahagi ng bansa at kabansaan. Ang ganitong direksyon ng pagsasakonseptuwalisa ng wikang pambansa at ng bansang malaya na pinapamagitanan ng Tagalog at maka-Tagalog na diwa ay nagbubunga ng walang katapusang isteytment tungkol sa pagiging Tagalog ng wikang pambansa at ng kulturang pambansa.

Sa paglalahad sa usaping ito tungkol sa ‘pagiging Tagalog ng Pilipino’ at ng ‘pagiging Tagalog ng Filipino’, at ang ekweysyon nitong ‘pagiging Filipino ng Tagalog’, ay isang dungis ng adhikaing mapagpalaya sapagkat nagpapalaya. Tuwi-tuwina ay inuungkat ito ng ilan sa mga may tinig sa pampublikong saklaw ng aksyon. Hindi maitatatwa ang maliliit na katotohanang taglay ng ganitong isteytment. Nagkasala at patuloy na nagkakasala ang mga tagapagtaguyod ng ganitong pag-iisip, mga tagapagtaguyod na nilalambungan ng mga isip ng isang uri ng kompleks na ang ngalan ay walang-pangalan sapagkat ayaw nilang aminin. Mulat ang mga ahente ng ganitong kalakaran at kaayusang mapaniil sa kahingiang etika ng pag-aamin: ang pagpapangalan ng panlipunang sakit na dumadapo sa maraming mamamayang hindi mulat at malay sa kahingian ng bansa at kabansaan, ng linggwistik na demokrasya, at ng panlipunang katarungan.

Kapag nirakisa ang mga instrumento at aparato ng kaalamang pambansa na minemedyeyt, halimbawa, ng ikinakalakal, itinataguyod, at ipinapalaganap na ‘Filipino bilang wikang pambansa’, naroon ang mga sintomas ng kawalang katarungan, at ang mga sintomas na ito ay nagpapakita ng isang malala sapagkat mapangsaklaw na sakit panlipunan na itinatago sa pamamagitan ng sistematisadong pagbablakmeyl sa mga kritiko ng ganitong kaayusan at kalakaran.

Madalas ang reaksyunaryong depensa upang blafin at bansutin ang mapanlikhang kontraryong isip na ganito. Pansinin, halimbawa, ang mga modelo ng kaalamang isinasaksak sa isip ng mga kabataan mula sa murang gulang hanggang sa ang gulang ay di na kayang mag-isip ng malaya sapagkat ang isip ay kinolonya na ng mga lumuting pilosopiya tungkol sa wikang pambansa, sa pambansang literatura, at sa pambasang kultura.

Mayroong lihim at tusong pananakot sa mga instrumento at aparatong ito ng kaalaman at sa mga salik at sangkap sa produksyon at reproduksyon nito. Ang mga tinataguriang panitikang Filipino, halimbawa, ay madalas hindi mga ‘panitikang Filipino’ kundi panitikan ng isang sentro ng kontrol, administrasyon, produksyon, at reproduksyon ng kaalaman. Ipinapakabesa ang mga piyesang ito hanggang sa ang mag-aaral ng kabihasnang Filipino ay masilo sa lihim at tusong sistema ng pagkontrol sa naghaharing wikang ipinapalabas na wikang pambansa subalit wika lang naman, at, in extensu, panitikan lang naman ng isang rehiyon na nagkataon ay sentro ng kapangyarihan.

Ang ganitong aksidente ng heograpiya sa pagiging bansa ay nagiging basehan at sanhi ng isang heograpiya ng sakit at pasakit, ng patuloy na kolonisasyon sa isang paraang banayad at di-halatain, at ng tuloy-tuloy na pagdomina ng ilang grupo ng mga kababayang Filipino laban sa ibang mga kababayang wala sa sentro, mga kababayang nagkakasya sa gilid sapagkat itinutulak sa mga gilid-gilid ng lipunan.

Ang mga gawaing ganito ay nangangailangan ng masinsinang pagbubunyag, paglalantad, at pagtatanggal ng maskara.

Nangangailangan ito ng diretsahang pagpapangalanan sa mga ahente ng bagong kolonisasyon sa isip at kamalayan; nangangailangan ng paghuhusga sa mga gawaing nagiging simula ng bagong kalupitan at kalabisan at kaapihan, mga pangyayari at reyalidad na walang lugar sa isang lipunang may paggalang at pagpapahalaga sa sarili sapagkat sumusunod sa mga batayang prinsipyo ng pagsasakatuparan ng buhay panlipunan.

Sapagkat gawaing malupit ang pagtatakda ng iisang uri ng katotohanan, identidad, kairalan, kaisipan, at kamalayan kung ang tunay na tototo ay ang pag-iral ng daan-daang wika at kultura ng iba’t-ibang Filipino sa iba’t ibang pamayanan.

Sapagkat isang uri ng kalabisan ang pagpapanatili ng dominasyon ng iilan sa higit na marami.

(May karugtong)

Comments are closed.