Footer

Linggwistik na demokrasya, mapagpalayang wikang pambansa,… (Ikaapat na yugto)

Linggwistik na demokrasya, mapagpalayang wikang pambansa, panlipunang katarungan at dibersidad ng wika at kultura

(Si Dr. Agcaoili ay nagturo sa University of the Philippines, Diliman ng mahigit na 20 taon bago lumipat sa Unibersidad ng Hawaii sa Manoa. Ang sanaysay niyang ito ay nagkamit ng Ikalawang Gantimpala sa 2006 Gawad sa Sanaysay, Komisyon ng Wikang Filipino, Republika ng Filipinas -Ed.)

Kahit sabihin pang ang marami ang nagdodomina, hindi pa rin ito katanggap-tanggap na pamantayan sa pagbubuo ng isang mahusay at matiwasay na lipunan. Ang dominasyon ay dominasyon ano man ang uri. Wala itong lugar sa isang bansang nagsisikap magiging totoo sa kanyang sarili.

Sapagkat gawaing mapang-api ang di pagkilala sa iba; sa di pagbibilang sa iba’t-ibang wika, kultura, at kabihasnan ng bansa.

Linggwistik na Demokrasya

Pundamental na karapatan ang lengguahe at ang kulturang taglay nito.

Kasinghalaga ng karapatan sa wika ang karapatang mabuhay na mapayapa, ng walang takot at pangamba, ng may kaunlaran at katiwasayan.

Kung ang demokrasya ay estilo ng buhay sa lipunan, isang estilo ng buhay na humihingi ng pagbubuwag ng kapangyarihang taglay ng iisa o iilang kamay upang maikalat ang kapangyarihan ng pagpapasasya sa nakararami, ang linggwistik na demokrasya ay lohikal na karugtong ng ganito ring ideyal ng sama-samang pagpapasya kung ano ang mainam at mabuti para sa nakararami kung hindi man para sa lahat.

Sa demokrasya, ang kapangyarihan ay wala sa sentro kundi nasa kamay ng mga diputado ng mga kasapi sa lipunan, mga diputadong ang kakayahan ay walang kulang, mga diputadong kayang arukin ang kaluluwa at espiritu ng mga mamamayan, mga diputadong nagsisilbing tinig ng mga walang tinig, nagsisilbing mata ng mga walang mata, nagsisilbing lakas ng mga walang lakas, nagsisilbing kapangyarihan ng mga inagawan ng kapangyarihan, nagsisilbing gabay ng mga nawawala ang landas. Sa buhay pangkultura, ang mga wika ay tila mga diputado sapagkat ang mga wika ay mata, ilong, pang-amoy, panlasa, lakas, tinig, boses, kapangyarihan at pandiwa ng mga may-ari sa mga ito, o ng mga taong pagmamay-ari ng mga wika.

Sa demokrasya, ang instrumento ng pag-iisip ay sang-ayon sa diskurso ng mga mangungusap na pare-pareho ang kinatutungtungan, pare-pareho ang prinsipyong pinanghahawakan na pinagmumulan ng talastasan. Ang tunay na wikang pambansa ay nagbibigay ng ganitong kondisyon at hinahayaan na maganap ng buong-buo ng talastasan ng lahat ng gustong mag-uusap-usap at hindi niya ito kinakategorya kung ang nakikipagtalastasan ay Ifugao, Mangyan, katutubo o politikong makapal ang mukha na ang tanging alam na wika ay wika mapangsakop.

Sa demokrasya, nililinaw ng mabuti ang mga batayang prinsipyo na naghuhudyat ng makatarungang pag-uusap, ng palitan ng kuro-kuro, ng kumbersasyon, ng dialogo.

Ibig sabihin, pinapamagitanan ng talastasang demokratiko ng isang wikang pambansa sapagkat sa pamamagitan nito ay nakakapangusap ang nakararami kung di man lahat; pinapamagitanan ng talastasang demokratiko ng isang wikang pambansa sapagkat wala itong bahid ng pananakop sa utak at isip at kalooban, isang wikang pambansa na, sa kubling tahanan nito sa kululuwa ng mga mamamayan, ay malay at mulat ang mga nangungusap.

Magpahangga ngayon, nananatiling Tagalog at maka-Tagalog ang balangkas ng ‘tunay na Filipino’ bilang ‘tunay na wikang pambansa.’

Ang ganitong kaayusan ay kontra-produktibo sapagkat ipinipiit nito ang kaisipang higit.

Ang isa sa mga senyal ng pagiging tunay na pambansa ang isang wika ay ang kakayahan nitong magsilbing tahanan, kublian, at taguan ng kaluluwa at puso ng bawat mamamayan. Hanggang hindi nararating ang binabansagang ‘wikang pambansa’ ang ganitong katangian, mananatili itong estrangherong wika, wika ng pagiging exiling panloob, ng pagiging bagamundo mula sa sariling tahanan ng unang wika hanggang sa mawalay ang landas ng kaluluwa, ng puso, ng identidad, ng pagkatao.

Sa pagsasagawa ng kahingiang pandemokrasya ng pagpapayaman sa Filipino bilang tunay at totoong wikang pambansa, kailangan dito ang walang pag-aatubiling pagkilala sa pangyayaring ang bansa ay binubuo ng mga samu’t saring wika at kultura at ang kapangyarihang taglay ng wikang pambansa, ang kapangyarihan nitong magiging mapang-ugnay sapagkat nag-uugnay, ay nakabase sa pagsasangkap sa pagpapayaman sa wikang pambansa na gamit ang pagkapangyayari ng dibersidad na ito.

Hindi maaari dito ang dulog at lapit ng balasubas na nakaraan, balasubas sapagkat hinayjak nito ang mga utak at isipan ng nakararami at kinidnap nito ang tinig at pangalan ng iba pa.

Hindi maari ang dulog at lapit na nagbabando sa kahusayan ng isang wika laban sa iba at ang pagsasabi na ang ibang wika sa bansa ay walang kakayahang gawing intelektwalisado ang diskursong naglilikha ng kaalaman. Ang ganitong mala-kolonyal na aktitud at disposisyon ng utak ay walang papel sa isang demokratikong talastasan sa kung papaano gawin demokratiko rin ang Filipino bilang tunay na wikang pambansa.

Ang pagpapanatili sa tiraniya at diktadurya ng isa o iilang wika at ang kaakibat na pagmamaskara sa tiraniya at diktaduryang ito sa pamamagitan ng mga teknik at metodo ng kalakal at promosyong pampubliko ay isang mortal na paglabag sa inisaad ng isang demokratiko sapagkat makatarungang buhay panlipunan. Ang mortal na paglabag na ito ay walang karampatang kapatawaran, walang katumbas na pagsisisi na ang katapat ay ang pagpapatawad.

Ang pagsasapilit na pagbansag sa tiranya at diktaduryang ito bilang ‘pagmamahal panlipunan’ at ang pamumulot sa mga pailan-ilang konsepto ng mga Mangyan, ng mga Ilokano, ng mga Igorot, ng mga Kalinga, ng mga Tagbanwa, ng mga Isinay, ng mga Ibanag, ng mga Ivatan, ng mga Sebwano, ng mga Bikolano, ng mga Panga-sinense, ng mga Pampango, ng mga Waray, ng mga Tausog, at ng mga Maranaw, halimbawa, at pagsasama sa mga ito sa kasalukuyang leksikon ng wikang Filipino upang mairepresenta ang mga diwa ng mga Mangyan, ng mga Ilokano, ng mga Igorot, ng mga Kalinga, ng mga Tagbanwa, ng mga Isinay, ng mga Ibanag, ng mga Ivatan, ng mga Sebwano, ng mga Bikolano, ng mga Pangasinense, ng mga Pampango, ng mga Waray, ng mga Tausog, at ng mga Maranaw ay isang uri ng kawalan ng pagpapahalaga sa kahingiang pandemokrasya ng wikang pambansa. Ang pakunsuwelo-de-bobong gawaing ganito ay naghuhudyat ng kakitiran ng isip at ng kababawan ng kaalaman sa paglikha ng isang lipunang demokratiko sapagkat kinikilala ang pangarap at nais ng lahat ng mga mamamayan, mga pangarap at nais na ang dulo ay ang pagtatatag ng isang lipunang makatarungan sapagkat demokratiko, at demokratiko sapagkat makatarungan.

(May karugtong)