Footer

Linggwistik na demokrasya, mapagpalayang wikang pambansa,… (Ikalimang yugto)

Hinihiling ng reyalidad ng dibersidad pangwika at pangkultura ng bansang Filipinas ang puspusang pagkilala sa taglay na yaman ng iba’t ibang wika at kultura sa pagbubuo at pagpapaunlad sa tinataguriang pambansang wika at kakambal nitong pambansang kultura. Esensyal na bahagi ng kahingian ng panlipunang katarungan ang pagbibigay ng puwang sa inietsapuwerang wika at kultura.

Linggwistik na demokrasya, mapagpalayang wikang pambansa, panlipunang katarungan at dibersidad ng wika at kultura

(Si Dr. Agcaoili ay nagturo sa University of the Philippines, Diliman ng mahigit na 20 taon bago lumipat sa Unibersidad ng Hawaii sa Manoa. Ang sanaysay niyang ito ay nagkamit ng Ikalawang Gantimpala sa 2006 Gawad sa Sanaysay, Komisyon ng Wikang Filipino, Republika ng Filipinas -Ed.)

Panlipunang Katarungan

Hinihiling ng reyalidad ng dibersidad pangwika at pangkultura ng bansang Filipinas ang puspusang pagkilala sa taglay na yaman ng iba’t ibang wika at kultura sa pagbubuo at pagpapaunlad sa tinataguriang pambansang wika at kakambal nitong pambansang kultura. Esensyal na bahagi ng kahingian ng panlipunang katarungan ang pagbibigay ng puwang sa inietsapuwerang wika at kultura.

Ang katarungan o kinalinteg, mula sa ‘tarong’ ng Binisaya at ‘linteg’ ng Ilokano, ay susi ng paglikha ng lipunan, ng ano mang lipunan. Ang kontratang panlipunan ay pundamental na tipan ng mga mamamayang ang nais at pangarap ay makabuo ng higit na organisasyon na may kakayahang tiyakin sa bawat mamamayan na ang kanyang karapatan na mabuhay ng matiwasay at masagana ay mabigyan ng paggalang at katuparan.

Sanhi ng mga bagaryos ng panahon at pook, sanhi ng mga di inaasahang puwersa ng kasaysayan, at ng mapanlinlang na mga ahente ng kapangyarihan, naging lihis ng kasunduang panlipunan. Ang resulta ay ang pagkakaroon ng isang lipunan ng mga tuso at pinagtutusuhan, ng mga marurunong at mga minamangmang, ng mga nagtagumpay at ng mga bigo, ng mga naghahari at pinaghaharian. Imbes na ang unang prinsipyo nito, ang pagsaalang-alang sa pagkapantay-pantay sa lahat ng karapatan at tungkulin, ang nanatiling muhon ng lahat ng mga relasyong panlipunan, naging anino na lamang itong unang prinsipyo, at ang panganganino nito, sa kasamaang palad, ay tila naging sa lahat ng mga panahong ng mga dayuhang mananakop hanggang sa panahon ng mga kababayang mananakop sa kasalukuyan. Naging pangit na pangitain ang aktuwal na kalakaran sa lipunan. Naglikha ito ng paghahati-hati at ang malalim na siwang sa pagitan ng mga makapangyarihan at pinaghaharian, sa pagitan ng mayayaman at ng mga naghihikahos, at sa pagitan ng mga may tinig at mga pipi ang nagsilbing pader laban sa pag-iisa at kaisahan ng diwa at isip tungkol sa bansa at kabansaan.

Makikita, halimbawa, ang kongretong larawan nito sa isang lipunang kay liit ang bilang ng napakarami at sobra-sobra ang kayamanan subalit napakakaunting yaman, kung meron man, ang hawak-hawak ng nakararaming mamamayan.

May tawag ng mga mapagpalayang ekonomista sa ganito: ang penomenon ng akses sa mga resorses ng produksyon. Itutulak ng sanaysay na ito ang konseptong ito sapagkat inilalarawan nito ang kawalan ng panlipunang katarungan sa kasalukuyan: ang kawalang ng akses ng nakararaming Filipino sa mga resorses ng lipunan kasama ang mga resorses na may kinalaman sa kultura at kaalaman.

Sa madaling salita: sa paghahati-hati, naging dalawa ang wika, at hindi iisa, at ang wikang pambansa, kung meron man sa reyalidad, ay isang pakunsuwelong probisyon ng batas.

Walang pagkapantay-pantay sa akses sa resorses sa kalinangan: iba ang praktis pangkultura ng mga mangmang at maliliit, mangmang sapagkat minangmang ng mga institusyong pangkaalaman ng di makatarungang lipunan at maliliit sapagkat sadyang binabansot ng mga makapangyarihang at panginoon ng kagalingan at kahusayan sa paniniwala na sa pagbabansot sa isip ng mga ito, mananatili silang tau-tauhan sa lipunang nilikha para sa lahat upang makinabang ang lahat.

Narito ang hating kultura: isa para sa mga may kakayahang ekonomik na bumili ng tiket para panoorin ang ispektakyular na palabas ng “Miss Saigon” na nagbabando ng kadakilaan ng puso ng isang sundalong Amerikano sapagkat sinalba niya ang kanyang anak sa Vietnamese na si Kim sa pamamagitan ng pagdala niya sa anak nila sa Estados Unidos, upang doon sa Amerika ng mga matatapang at mga malalaya, doon ay magkakaroon ang batang lalaki ng pagkakataon na mabuhay na matapang at malaya at ibaon sa limot na ang kalahati ng kanyang pagkatao ay ang dugo ng kanyang inang nagsakripisyo para sa kanya. Naroon sa palabas ang aktuwal na paglapag ng helikopter sa entablado at ang mga maykayang bumili ng tiket ay namangha sa magarbong palabas na nagkubli sa diskurso ng gera, sa pagwasak sa pambansang kasarinlan ng iba, sa paglalako ng isang uri ng demokrasya na ang definisyon ay ayon sa labis-labis na kapangyarihan ng kapital at kalakal at kapangyarihan pangmilitar.

Ang pagmamaskara sa ekskursyon ng ganitong uri ng kultura at kaalaman sa pamamagitan ng ganitong magagarbong palabas ay walang pinag-iba sa tuloy-tuloy na pagsasalamangka ng isang uri ng “Filipino bilang wikang pambansa” na magpahangga ngayon ay di rin nagrerepresenta ng samu’t saring naisin at adhikain ng samu’t saring linggwistik at kultural na pamayanan sa bansa.

Ang paniniwala na narating na ng kasalukuyang wikang Filipino ang yugto ng pagsasabansa ng wika ay isang paniniwalang humihingi ng lantarang pasubali.

Sa kasalukuyan, ang Filipino ay hindi pa tinutugunan ang kahingian ng panlipunang katarungan sapagkat ang tanging katarungang kanyang tinutugunan ay ang makitid at limitadong nosyon ng katarungan ayon sa mga mayhawak ng poder, ng kalakal, ng industriya ng kultura, at ng industriya ng kaalaman.

Nananatiling walang akses ang taumbayan sa sors ng kaalaman na nasa labas ng kanilang pamayanan sanhi ng walang puknat na salamangka ng Ingles at ng Inglisasyon ng mga institusyon at ahensiyang nagtitiyak na ang kaalaman at kapantasang nililikha at pinapalawig sa kasalukuyan ay siya pa ring kaalaman at kapantasan ng status quo, kaalaman at kapantasan na nagtitiyak na ang mga benepisyo ng buhay lipunan ay mananatiling kinokorner ng mga kasapi sa naghahari at mapangharing uri.

(May karugtong)