Footer

Linggwistik na demokrasya, mapagpalayang wikang pambansa,… (Ikaanim na yugto)

Nananatiling walang akses ang nakararaming Filipino sa mga mapagpalayang ideya at ideyal sapagkat nananatiling pipi at bingi ang mga libro tungkol sa kalayaan: pipi at bingi sapagkat banyaga, at banyaga sapagkat karamihan sa mga ito ay sa mga banyagang wika pa rin nasusulat. Ilan kaya, halimbawa sa milyung-milyong ipinagmamalaking nakakapagsalita, nakakaintindi, at nakakapagsulat sa kasalukuyan anyo ng wikang Filipino ang nakabasa na sa mga batayang literatura at iba pang sulatin tungkol sa mga teorya ng mabuting lipunan, ng matiwasay na buhay, ng makatarungang lipunan?

Linggwistik na demokrasya, mapagpalayang wikang pambansa, panlipunang katarungan at dibersidad ng wika at kultura

(Si Dr. Agcaoili ay nagturo sa University of the Philippines, Diliman ng mahigit na 20 taon bago lumipat sa Unibersidad ng Hawaii sa Manoa. Ang sanaysay niyang ito ay nagkamit ng Ikalawang Gantimpala sa 2006 Gawad sa Sanaysay, Komisyon ng Wikang Filipino, Republika ng Filipinas -Ed.)

Nananatiling walang akses ang nakararaming Filipino sa mga mapagpalayang ideya at ideyal sapagkat nananatiling pipi at bingi ang mga libro tungkol sa kalayaan: pipi at bingi sapagkat banyaga, at banyaga sapagkat karamihan sa mga ito ay sa mga banyagang wika pa rin nasusulat. Ilan kaya, halimbawa sa milyung-milyong ipinagmamalaking nakakapagsalita, nakakaintindi, at nakakapagsulat sa kasalukuyan anyo ng wikang Filipino ang nakabasa na sa mga batayang literatura at iba pang sulatin tungkol sa mga teorya ng mabuting lipunan, ng matiwasay na buhay, ng makatarungang lipunan?

Itinatakda, halimbawa, ng batas ng bansa ang pagsasalin sa Saligang Batas sa mga pangunahing wika ng Filipinas upang magkaroon ng akses ang taumbayan sa mga batayang prinsipyo ng buhay panlipunan, upang maisapuso ang kahingian ng pagtitipan, upang maihanda ang sarili sa tungkulin sa bayan habang hinihingi rin sa bayan ang tungkulin sa mamamayan.

Pero ilang mamamayan ang nakakaalam sa mga probisyon ng Saligang Batas ayon sa sorpresa at pangako at rebelasyon ng kani-kanilang wika?

Papaano mababatid ang puno’t dulo ng kontratang panlipunan kung nananatili itong banyaga sa kaluluwa ng nakararaming mamamayang hikahos, banyaga sa kanilang isip, banyaga sa kanilang diwa, banyaga sa kanilang lenggwahe at ang tanging may akses sa mga ito ay mga nakapag-aral, mga residente ng mga kapitolyo at munisipyo at Malakanyang at Kongreso at Senado, at mga propesyunal sa batas na nagpapahiram at/o nagkakalakal ng kaalaman at kahusayan upang ang kasalukuyang kaayusan ay mananatiling nasa kamay ng iilang mayayaman, iilang makapangyarihan, iilang marurunong?

Pagtatapos: Tungo sa Filipinong Tunay na Wikang Pambansa

Mahigpit na magkakawing-kawing, kung gayon, ang Filipino bilang wikang pambansa at ang salik ng bansa, kabansaan at identidad, ang salik ng linggwistik na demokrasya, at ang salik ng panlipunang katarungan. Sa madaling salita, ang pagsasatotoo at ang pagpapatotoo ng Filipino bilang ‘tunay na Filipino’ at ng wikang pambansa bilang ‘tunay na wikang pambansa’ ay nakabatay sa kakayahan ng wikang Filipino na tugunan ang mga tanong at hamon ng pagiging bansa, ng demokrasya, at ng katarungan.

Napapanahon na upang harapin ng wikang Filipino ang isyu ng dibersidad. Kung noon ay nagkakasya ang Filipino bilang Tagalog/Tagalog bilang Filipino sa akademikong pagmamasahe ng mga institusyon ng mga kaalaman at ng mga walang manhid nitong mga ahenteng nagpapanggap na mga iskolar ng pambansang wika, ngayon na ang panahon upang seryusohin ng Filipino bilang wikang pambansa ang kanyang tungkulin sa buong bansa at hindi lamang sa makitid at makipot na bansa ng mga makapangyarihan sapagkat nasa sentro sila ng administrasyon ng kultural na buhay.

Ang sistematisadong pagtalikod sa pambansang tungkulin na ito sa pamamagitan ng pagwagaygay sa usapin na buo na ang ‘tunay na Filipino bilang tunay na wikang pambansa’ ay mauuwi sa, at manganganak lamang ng, isang libo at isang bangungot, napakaraming bangungot na kung tutuusin ay hindi na kayang lampasan pa ng pagal ng diwa ng nakararaming mamamayan.

Ang higit na dapat iwasan ninuman na may pagmamahal sa pagbubuo, pagpapayaman, at patuloy na paghubog ng isang tunay na wikang Filipino na tunay na wikang pambansa ay ang pagiging triumpalista, at pagpapakita ng tagumpay, ang pagsasabi na ang usapin tungkol sa wikang pambansa ay tapos nang usapin.

Sapagkat isang obrang-laging-di-tapos ang bansa, ganoon din na obrang di-tapos ang wikang pambansa. Magkasalikop ang dalawa: ang wikang pambansa ang daluyan ng lahat ng mga dakilang konsepto at ideya tungkol sa bansa at sa pamamagitan nito ay nagagawang pagmunian ng bansa ang kanyang mga hakbangin, ang kanyang mga naisakatuparan, ang kanyang mga kabiguan, ang mga kabalintunaang kanyang kinasusuungan sa mga nagdaang panahon at sa panlilinlang ng kasaysayang inangkin ng mga tuso sa kapangyarihan.

Ganoon din na hindi puwedeng ihiwalay ang wikang pambansa sa mga tanong at isyu tungkol sa demokrasya sa isang dahilan: ang wikang pambansa ay isang pambansang resors na walang kapalit at kung gayon ay hindi maaaring pakawalan hanggang sa maglaho ito sa mga mauulap na isipan ng mga nalilitong mga mamamayan.

Ang tokenismong lapit sa pagsusulong at pagpapalawig ng wikang pambansa ay walang saysay sapagkat hindi ito makatarungan. Kinikilala lamang ng tokenismo ang pailan-ilang salita ng maraming mga buhay na wika at kultura ng mga pamayanan sa bansa at isasali, bilang pakunsuwelo, sa ‘buong leksikon ng wikang pambansa’.

Ang ganitong mapang-utong gawain ng mga iskolar at adbokeyt ng wikang pambansa ay isang uri ng indolensiya ng utak, isang katamaran ng isip at nakasandal ito sa lohika ng pagiging kumbinyente ng pagdaragdag sa ‘wikang pambansang naroon at tapos na’ na pinapasubalian ng sanaysay na ito.

Higit sa lahat, ang gawaing ‘pagdaragdag sa tapos ng leksikon ng wikang pambansa’ ay walang kakayahang magsuri sa balangkas ng diwa ng kabansaan, ng gramatika ng pagiging isang bayan, ng sintaktika ng pagiging isang demokratikong lipunan, at ng semantika ng pagiging tunay nga ng Filipino bilang tunay na wikang pambansa.

Ang kakayahan ng Filipino bilang pambansang wika na tugunan ang salik ng pagiging bansa, ang salik ng demokrasya, at ang salik ng katarungan ay tiyak na magiging pangontra sa saping dumadapo sa isip at kamalayan ng maraming Filipino sa ngayon, isang saping nagbibigay ng kalituhan, ng pagkawala ng landas, ng desperasyon sanhi ng kawalan ng kongkretong lenggwahe ng kasalukuyan at kinabukasan.

Kung gayon, kailangan ng tunay na Filipino bilang tunay na wikang pambansa ng sariling pagtutubos sa pamamagitan ng boluntaryo nitong pagbubukas ng kanyang daigdig at mundo sa daigdig at mundo ng iba pang mga wika at kultura ng bansa. Ito lamang, at mangyayari at magaganap ang sariling pagtutubos.

Comments are closed.