Footer

Mapapaaray ka ng mga Sugat (Unang Bahagi)

LAUGHTER is the best medicine? Hindi sa lahat ng bagay. Hindi maaring basta na lamang pagtatawanan ang kirot at hapdi ng mga sugat na masasalamin  sa “Walang Sugat” na dula ni Severino Reyes. Kung pagtatawanan lang natin ang mga sugat, lalong walang lunas ang pagdurugo ng lahi at patuloy ang pagbaba ng pagkilala ng mundo sa atin at tuloy ang pagkalunod sa kumunoy ang mga valyus ng buhay.

Maraming sugat ng lahi ang nabanggit sa dulang ito. Apat ang binigyan pansin ng sinulat na ito. Ang iba pa ay susul-yapan na lamang natin.

1) Hele hele bago quiere

2) ‘Ipagkakayari’ ng mga magulang ang anak

3) Patriotismong hilaw

4) Sa kuko ng kolonisasyon

Hele-hele bago quiere

Kunwari pa si Julia, ngunit yon pala ay mahal na mahal niya ni Tenyong. Tulak ng bibig, kabig ng dibdib.

Ang kulturang Pinoy na ito ay nagkaroon na ng lamat sa panahong ito. Marahil ang pagbaba ng moralidad at pag-aabo ng mga valyus ng buhay ang dahilan. Idagdag mo pa ang paghihigpit ng sinturon na siyang nagtulak ng iba na kumapit sa patalim.

Ano nga ba ang hele-hele bago quiere? Ito ay tradisyunal na paraan ng pag-iibigan noong araw. Dapat di agad sasagutin ng mga babae ang manliligaw. Kailangan muna niyang pag-aralan ang pagkatao ng manliligaw, kung tapat ang layunin o nagku-kunwari lamang o kaya may iba siyang dahilan. Dapat timbanging mabuti ng babae ang kanyang nararamdaman bago sasagutin ang manliligaw.1

Subalit, sa pagdaan ng panahon, nag-iba na ang ihip ng hangin. Napakarami nang tubig ang dumaan sa ilalim ng tulay at ang dating tahimik na ilog ay umaalingawngaw na ngayon. Bumaliktad ang sitwasyon. May mga babaeng kusang nanliligaw ngayon sa lalaki. Basta guwapo, aprubado. Basta nakakalaglag ng paningin, cool na rin. Basta makapal ang bulsa, akin ka. Tama ba ang nangyayari?

Siguro. Karapatan ang bigyan laya ang damdamin. Tama lang na may karapatan din ang mga kababaihan na magpahayag ng kanilang damdamin. Malaya ang bawat ninuman. Bakit pati pintig ng puso’y pakikialaman mo? Ngunit, hindi ba paglalaglag ito ng nakagisnang valyus ng buhay? Hindi natin kultura ito. Impluensiya ito ng mga dayuhan. At dahil mahihilig tayong mga Pinoy na mang-gaya sa mga dayuhan, lalo namang dumilim ang larawan ng dalagang Pilipina.

Nadumihan na ang larawan ng kababaihang Pinay dahil  tinaguriang nang mga super maid ng mundo, mga mail-order bride at ibang negatibong pananaw. Bumabaha ang dugo ng lahi mula sa ugat ng mga kababaihang Pinay. Mapapaaray ka at mapapangiwi ka ng hapdi at kirot. Sige, subokan mo ngang tumawa ngayon?

“Ipinagkakayari” ng mga magulang ang anak

Ipinagkayari ni (Ina) Juana, ang anak niyang si Julia kay Miguel na anak ni Tadeo. Sa literal na sitwasyon, maaring nangyayari pa ito. Parental marriage kung tawagin. Mga magulang ang nag-uusap sa pag-iisang dibdib ng mga anak. Ano ba ang mas malalim na kahulugan nito kung bakit inilarawan ni Severino Reyes sa kanyang dula?

Mayaman ang mag-amang Tadeo at Miguel at maim-pluensiya. Hindi gaanong mayaman sina Ina Juana at Julia. Nasasalamin dito ang malaking puwang sa pagitan ng mayaman at mahirap. Masasalamin dito na kahirapan ang nagtutulak ng mga magulang na ‘ipagkakayari’ ang anak.

Noong panahon ng Hapon, ang payo ng mga magulang sa anak na dalaga: “Anak, dumarating na ang mga Hapon, magtago ka na.” Ngayon naman sasabihin ng mangilan-ilan: “Anak, dumarating ang mga Hapon, magpaganda ka at lumabas ka na, baka ikaw ay maunahan!”

Napakakirot at napakahapding sugat ng lahi, dumudugo. Bumabaha sa lipunan. Ang sanhi ay kahirapan. Ang kahirapan ay magulang ng rebolusyon at krimen.2  Hindi ba palaging may nagaganap na rebolusyon at laganap ang krimen sa ating bansa?

Tatawanan ba natin ang kahirapan at hayaang ang madla na maging lotto at jueteng mentality? Hahayaan ba natin na ang inang Bayan ay malugmok sa kahirapan? Hahayaan ba nating mapariwara ang kababaihang Pinay sa putikan?

Nasa ating kamay ang lunas. Patuloy pa rin ba nating pagtatawanan ang sugat na ito? Bumabaha ang dugo sa mga lansangan sanhi ng kahirapan. Huwag sana nating pulutin sa kangkongan ang Inang Bayan.

     (May karugtong)

——————————————————————————————————————–

Talasanggunian

1) English Communication Arts & Skills Through Filipino Literature, Phoenix 21 st Century Series, Fifth Edition, by Serrano, Josephin B., and Milagros G. Lapid

2) Ayon kay bantog na Aristotle

Comments are closed.