Footer

NUTRITION CORNER: Anemya, problema pa rin sa mga sanggol

Lumabas sa pinakahuling pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology (FNRI-DOST) na bumaba ang porsiyento ng mga sanggol na may anemya noong 2003 kumpara noong 2008.

Mula 66.2 porsiyento noong 2003 ay naging 55.7 porsiyento na lamang ito noong 2008 sa mga batang anim na buwang gulang hanggang sa isang taon.

Nguni’t kahit bumaba ang porsiyento ng anemya sa grupong ito, itinuturing pa ring isang public health problem ito sapagkat mas mataas sa 40.0 porsiyento. Ito ay itinakdang porsiyento sa pandaigdigang pamantayan.

Malulunasan ang anemya kung kakain ng wastong uri at dami ng pagkain lalung-lalo na ang mga mayaman sa iron tulad ng atay, pula ng itlog o eggyolk, lamang-loob, madahon at dilaw na gulay tulad ng kulitis, malunggay, talbos ng kamote, petsay at butong-gulay.

Mahalaga ding kumain ng mga pagkaing mayaman sa bitamina C tulad ng papaya, bayabas, at datiles upang magamit nang mabuti ng katawan ang mineral na iron.

Bukod sa pagkaing mayaman sa iron, kailangan din ang regular na deworming o pagpurga para masugpo ang anemya at maayos na kalagayang pang-nutrisyon.

Maraming programa ang pamahalaan para malunasan ang anemya pero kailangan pa ring masusing pag-aralan muli ang mga kasalukuyang programa.#