Footer

Sa Itlog Panalo ang Nutrisyon at Kalusugan, pati na rin Negosyo

Sa pag-aaral na ginawa ng Department of Science and Technology, Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), ang pagkain ng isang itlog araw-araw ay mainam sa ating kalusugan at maayos na pangagatawan dahil ito ay mayaman sa protina, bitamina at mineral at may taglay na fats.

Ang protina ay tumutulong sa pagbuo ng ating katawan samangtalang itong fats ay nakakapagbigay ng lakas at enerhiya.

Ang itlog ay mayaman din sa bitamina at mineral tulad ng bitamina A na tumutulong upang maging malinaw ang ating mga mata; bitamina B na tumutulong sa paglaban sa panghihina ng ating katawan; iron na tumutulong upang maging mapula at malusog ang ating dugo; calcium na tumutulong na maging matibay ang ating mga buto; at phosphorus na tumutulong upang maging malusog ang ating buto at kalamnan o muscles.

Ang sustansya ng isang katamtamang laki ng itlog ay maihahalintulad sa karne na kasing-laki ng kaha ng posporo, o 1/4 na pitso ng manok o isang drumstick ng manok, o 3 kutsara ng corned beef, o isang kuwadradong tokwa o 1/3 tasa ng butong gulay tulad ng munggo, kadios, o utaw.

Ayon sa datos ng DOST-FNRI 8th National Nutrition Survey, Dietary Survey: Household Food Consumption, apat sa bawat 10 households ay kumukonsumo ng itlog araw-araw.

Sa ginawang pag-aaral ni Dr. Celeste C. Tanchoco, DOST scientist at dati ring Division Chief ng Nutrition Research and Developement Division ng DOST-FNRI, iminumungkahi ang pagkonsumo ng mga taong normal ang blood cholesterol level at sa mga lumalaking batang ng isang itlog araw-araw.

Ang rekomendasyon ng DOST-FNRI na “An egg a day is OK” ay makakatulong sa pagsulong ng pagnenegosyo ng itlog. Ayon sa tala ng National Statistics Office ng 2015, ang populasyon ng Pilipinas ay nasa 100 milyon at 32 milyon dito ay mga batang may edad 0-14 taong gulang. Samakatuwid, para sa mga bata pa lamang, 32 milyong itlog araw-araw o 11 bilyong itlog sa isang taon ang tinatayang kailangan natin.

Naitala sa Country STAT Philipppines, Philippines Statistical Authority 2015, na ang produksiyon ng itlog ng manok ay umabot sa 444,500 metric tons na nagbibigay ng hanapbuhay sa ating mamamayan sa kanayunan. (Source: Czarina Teresita S. Martinez, DOST-FNRI S&T Media Service)