Footer

Isda at shellfish, malusog na alternatibo na pagkukunan ng protina at ibang sustansya

Ang isda at lamang dagat o shellfish ay karaniwan nating ipinapalit sa karne dahil karamihan sa mga ito ay mas malusog na alternatibo na pagkukunan ng protina at ibang mga sustansiya.

Ayon sa Your Guide to Good Nutrition ng Department of Science and Technology’s Food and Nutrition Institute ng (DOST-FNRI), ang mga isda at shellfish gaya ng tahong, talaba, hipon, alimango, alimasag at talangka ay kabilang sa mga pagkaing tagapagbuo ng katawan o body-building foods. Kilala din ang mga ito bilang Grow foods.

Ang mga pagkaing ito ay mayaman sa protina na kailangan sa pagbuo at pagsasaayos ng kalamnan o muscles ng ating katawan para sa tamang paglaki.

Ang isang normal at malusog na taong edad 19 at pataas ay nangangailangan ng tatlong servings ng isda o shellfish bawat araw kung ito ang pangunahing pagkukunan ng protina sa araw na iyon.

Ang isang serving ng isda ay katumbas ng dalawang piraso na katamtaman ang laki, may habang anim na pulgada o kalahati ng ruler, na tumitimbang ng 55 hanggang 60 gramo bawat isa. Katumbas din ito ng one-third na tasang hinimay na shellfish gaya ng hipon o tahong.

Ang mga buntis at nagpapasuso ay nangangailangan ng karagdagang one-fourth hanggang one-third na serving ng isda at shellfish upang mabigyan ng karampatang protina ang sanggol sa sinapupunan at ihanda ang katawan ng nanay sa “paggawa” ng gatas pagkapanganak.

Ang mga isda, gaya ng bangus, talakitok at tilapia at mga shellfish katulad ng tahong at talaba ay mayaman din sa taba na nagbibigay ng enerhiya at lakas. Ang uri ng taba na ito ay madaling tunawin, ayon sa Fish and other Seafoods ng FNRI.

Mayaman din sa bitamina A at riboflavin ang ibang lamang-dagat gaya ng aligue ng alimango, alimasag at talangka na mainam sa malinaw na paningin at normal na paglaki. Ang tahong naman, na lubhang mura ang presyo pag napapanahon, ay maganda ring pagkunan ng riboflavin at thiamine para sa maganang pagkain at normal na pagtunaw ng pagkain.

Dapat lamang mag-ingat ang mga taong mataas na ang lebel ng kolesterol at presyon na umiwas sa aligue dahil sa taglay nitong mataas na kolesterol.

Halimbawa naman ng mga isda na mayaman sa niacin na importante sa normal na paglaki ay alumahan, galunggong, tambakol, tamban, tsabita at tulingan.

Bukod dito, ang mga isda ay sagana din sa iodine o yodo, na panlaban sa goiter, abnormalidad sa pag-iisip at pangangatawan ng mga bata, at mga peligro sa pagbubuntis.

Ang mga pinatuyong maliliit na isda na nakakain ng buo kasama ang tinik, gaya ng dilis, biya at danggit, ay mayaman sa calcium na pampatibay ng mga na buto at ngipin. Ang kuhol, susong pilipit, hipong tagunton at alamang ay mayaman din sa calcium. (Source: DOST-FNRI)

Comments are closed.