Footer

NUTRITION: Bilang ng mga batang malnourished dumarami sa Region I: Pinakahuling talaan ng NNC

Ayon sa pinakahuling talaan ng National Nutrition Council, dumarami ang bilang ng mga batang malnourished sa Rehiyon Uno. Ang bilang ng mga batang severely underweight at underweight sa buong rehiyon uno ay umabot sa 24,070 samantalang 8,586 naman ang overweight sa mga batang may edad 0 hanggang 5 taong gulang.

Napag-alaman din na may kabuuang 13,412 ang bilang ng mga batang severely underweight at underweight sa Pangasinan; 3,973 sa La Union; 3,435 sa Ilocos Sur at 3,250 sa Ilocos Norte. Samantala ang bilang ng mga batang overweight naman ay umaabot ng 6,035 sa Pangasinan; 1,032 sa Ilocos Sur; 916 sa La Union at 603 sa Ilocos Norte.

Ayon sa National Nutrition Council-Region 1, nakakabahala ang huling talaang ito sapagkat underweight man o overweight ang mga bata, ito ay maituturing pa ring senyales ng malnutrition.

Kamakailan, ipinaliwanag ni Region 1 Nutrition Program Coordinator Ma. Eileen Blanco na ang paglobo ng malnutrisyon sa rehiyon lalo na ang mga overweight ay katulad din sa ibang rehiyon at ang dahilan ay ang hindi mainam na paraan ng pamumuhay sa ngayon. Aniya, ang mga bata ay hindi na nakapaglalaro ng mga larong pisikal bagkus ay madalas na lamang nakaharap sa kanilang mga gadgets at kasabay ng pagnguya ng mga junkfoods.

Dahil dito ay nakikipag-ugnayan na ang NNC sa Regional Organization of Nutrition Development Advocates na binubuo ng mga kinatawan ng media na maging bahagi ng kampanya ukol sa pagbabago sa pamamaraang ito.

Isa sa mga programa ng NNC at RONDA sa taong ito ay ang pamamahagi ng impormasyon sa mga magulang lalo na sa mga nanay ang pagpapasuso pagkapanganak hanggang anim na buwan at pagbibigay ng “complementary food” habang tinutuloy ang pagpapasuso hanggang dalawang taon, pag-ehersisyo at pagpapalaganap ng pagtatanim ng malunggay na tinaguriang “Miracle Food”. (Source: NNC Facebook)