Footer

Mga paraan ng pagpapatagal ng buhay ng isda

Ngayong alam na natin ang tungkol sa sustansiya mula sa mga isda at lamang-dagat, pati na ang pagpili ng sariwa nito, narito ang mga tips para mapatagal ang buhay ng isda sa iba’t-ibang paraan.

Ang isang paraan ay pagpapatuyo.

·Una, hugasang mabuti ang isda gaya ng bangus, dalag, hito, dilis o tunsoy gamit ang malinis na tubig.

·Tanggalin ang lamang-loob sa pamamagitan ng paghiwa sa kahabaan ng tiyan. Sunod, ibabad ng tatlumpung minuto sa isang parte ng asin at siyam na parte ng tubig upang matanggal ang dugo.

·Ibabad muli sa solusyon na isang parte ng asin at limang parte ng tubig sa loob ng isa hanggang anim na oras, depende sa laki, dami at alat na gusto.

·Ipatong sa screen, mesh wire, hinabing rattan o kawayan at patuyuin sa araw o sa solar dryer.

Ito naman ang paraan ng paggawa ng tinapa o pina-usukang isda.

·Hugasan ng mabuti ang isda gamit ang malinis na tubig.

·Hiwain ang kubuuang haba ng likod at iwanang buo ang tiyan.

·Tanggalin ang mga lamang-loob at dugo.

·Hugasang mabuti at ibabad ng tatlumpung minuto sa kalahating tasa ng asin at apat na tasa ng tubig.

·Ilagay ang isda sa hinabing basket at ilubog sa kumukulong solusyon ng anim na kutsarang asin sa bawat apat na tasang tubig hanggang pumuti ang mga mata ng isda.

·Ihilera ang isda sa mga smoking trays at patuyuin ng sampung minuto.

·Patuyuin ang isda sa isang malamig at malilim na lugar sa loob ng tatlong oras bago pausukan.

·Pausukan ang isda sa temperaturang 32 hanggang 38 degrees Centigrade sa loob ng isa hanggang dalawang oras, o hanggang maging golden brown ang kulay.

·Palamigin at lagyan ng mantika sa ibabaw gamit ang brush.

Ang isa pang paraan para tumagal ang isda ay paggawa ng bagoong.

·Una, hugasan ang dilis, sapsap, ayungin o anumang maliliit na isda ang nais sa malinis na tubig.

·Sa bawat tatlong tasa ng isda, lagyan ng isang tasa ng asin at haluing mabuti.

·Ilagay sa palayok o earthen jars.

·Takpan ng mabuti upang di mapasok ng insekto, peste o anumang dumi.

·Patagalin ng dalawang linggo hanggang isang taon, depende sa lasa at amoy na nais.

Bukod dito, maaari ding gamitin ang mga tirang ulam na isda bilang sahog sa sarciado, escabeche, en tocho, cardillo, fish balls o torta.

Ang mga tirang ibang lamang-dagat naman ay pwede pa ring ihalo sa adobo, torta at gisadong gulay.

Laging tatandaan na ang isda at lamang-dagat ay di lamang dapat madalas na tinatangkilik tuwing Mahal na Araw dahil ang mga ito ay ang mas malusog na alternatibo sa karne. (Source: Salvador R. Serrano, DOST-FNRI S&T Media)

Comments are closed.