Footer

Pila sa Ultra Lotto 6/58, dagsa

MANDALUYONG CITY – Hahataw sa P677 milyon o higit pa ang jackpot sa Ultra Lotto 6/58 sa araw ng Biyernes na hanggang ngayon ay hindi pa napapanalunan simula noong Pebrero,” ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Alexander Balutan.

“Ito na ang pinakamalaking naabot ng Ultra Lotto 6/58 para sa taong ito. Huling napanalunan ito sa halagang P331.9M noong Pebrero 16 nitong taon at dalawa ang naghati sa jackpot price,” ani Balutan.

Sa kasayasayan ng patok na patok na produktong Lotto ng PCSO, ang pinakamataas pa ring napanalunang jackpot ay ang Grand Lotto 6/55 noong Nobyembe 2010 na nagkakahalaga ng P741.1 milyon at ang mga tumamang numero ay 11-16-42-47-31-37. Ang masuwerteng nanalo noon ay taga-Olongapo City.

“Mula Enero hanggang Agosto, P3.1 bilyon na ang koleksyon natin sa Ultra Lotto pa lang. Kung ikumpara natin ito sa kaparehas na panahon noong nakaraang taon, P2.1 bilyon lamang. Lahat ng produktong Lotto ang 6/58 ang nangunguna,” ani Balutan.

Kahit na dumagsa din ang reklamo ng publiko dahil sa pagtaas ng presyo sa Lotto ticket mula P20.00 na naging P24.00 simula noong Hulyo ay hindi naging balakid ito patuloy na pagtangkilik ng mamamayan sa produkto ng PCSO.

Kaugnay nito, muling nilinaw ni Balutan na ang pagtaas ng presyo sa tiket ay gawa ng batas na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

“Batas po ito na dapat nating sundin. Pero kung ako lang sana o kayo ang masusunod ay mas gugustuhin nating tax-free o ‘wag ng buwisan ang PCSO dahil lahat naman ng nakakalap nating pondo ay ibinabalik natin diretso sa mamamayan sa pamamagitan ng mga programang kawanggawa ng ating gobyerno,” ani Balutan.

Para maliwanag, sinabi ni Balutan na kapag tinamaan ang tatlong numero sa anim na numero mula sa P24 na binili mong tiket ay panalo ka ng P20 bilang “consolation prize”. Kapag magdesisyon ka na ibili muli ang napanalunan mong P20.00 ay kailangan mong magdagdag ng P4.00 at dahil ‘yan sa TRAIN law.

“Nililinaw din natin na hindi po ito balik-taya gaya ng nakagawian nang termino. Kung balik-taya, ang akala ay buong P24.00 ang napanalunan kaya wala nang dagdag pa na P4.00. Hindi po ganun, P20.00 ang napanalunan ng P24.00 mo dahil tumama ka sa tatlong numero. Kung gugustuhin mong ibili uli ng tiket ang P20.00 ay magdagdag ka ng P4.00. Ganun po iyon,” paliwanag ni Balutan.

“Sinisiguro ko naman sa inyo na sa ibinili niyong P24.00 para sa tiket ay otomatikong 30 porsiyento nito ay napupunta sa charity fund natin. Iyan ang ibinibigay natin sa mga kababayan nating nangagailangan ng ayudang pinansyal para sa ospitalisasyon, diyalisis, chemo, operasyon, at iba pa,” dagdag ni Balutan. (PCSO PR)

,