Footer

SSS logo

Bagong sangay ng SSS, binuksan sa Pangasinan

LUNGSOD NG SAN CARLOS – Para lalong mapaganda, mapabilis, at mapalawig ang mga serbisyo ng Social Security System (SSS), isang sangay nito ang binuksan kamakailan sa lungsod ng San Carlos upang matugunan ang tumataas na bilang ng mga miyembro ng SSS sa lalawigan ng Pangasinan.

Ang bagong tanggapan ng SSS-San Carlos City ay matatagpuan sa ikalawang palapag ng San Carlos Town Center Mall.

Ayon kay Catalina Basbas, branch manager ng SSS-San Carlos City, handog ng kanyang sangay sa mga miyembro ng SSS sa ikatlong distrito ng Pangasinan ang kaparehas na mga serbisyo at transaksyon na hatid ng iba pang mga sangay ng SSS sa lalawigan.

Maaaring kumuha sa SSS-San Carlos City ng SS number, employer ID number, at certificate of registration.

Tumatanggap din ito ng kontribusyon at bayad sa loan, data capture services, nag-iisyu rin ito ng Unified Multi-purpose Identification (UMID) Card, at tumatanggap ng benefit at loan applications.

Ani Basbas, ang mga miyembro ng SSS mula sa lungsod ng San Carlos at kalapit na mga bayan gaya ng Binmaley, Malasiqui, Basista at Urbiztondo ay hindi na kailangan pang lumayo dahil inilapit na sa kanila ang tanggapan ng SSS at madali na nila itong mapupuntahan para sa iba’t iba nilang mga transaksyon.

Umaasa ang SSS na sa pagkakaroon ng dagdag na sangay ay makahihikayat pa ng mas maraming mga manggagawa na maging aktibong miyembro ng SSS dahil sa pagbibigay nila ng mas maginhawa at maaasahang serbisyo sa mga miyembro at kanilang mga benepisyaryo. (April M. Montes-Bravo / PIA Pangasinan)

,