Gatas, importanteng pagkain ng mga bata

Alam ba ninyo na ang gatas at iba pang kauri nito tulad ng keso at ice cream ay may pinakamataas na kontribusyon sa pagkain ng mga batang anim na buwan hanggang limang taong gulang? Ito ay ayon sa 7th National Nutrition Survey ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology (FNRI-DOST).

Ang gatas at iba pang pagkaing kauri nito ay mayaman sa kalsyum na nagpapatibay ng buto at ngipin ng mga bata.

Bukod dito, ang kalsyum ay tumutulong sa paghilom ng sugat, regular na pagpintig ng puso, at paggalaw ng mga kalamnan o muscles.

Ang kalsyum ay mainam rin upang maiwasan ang pagka-sakang, paglambot ng mga buto at para sa malusog na nerves.

Hikayating uminom ng gatas at kumain ng keso, ice cream at iba pang kauri nito ang ating mga anak para sa sapat na kalsyum na kailangan nila.#