Footer

Rescue teams searching through the destroyed buildings after an earthquake.

National simultaneous earthquake drill sa Vigan, ginugunita ang pinakagrabeng lindol sa hilagang kanlurang Luzon sa 52 taon

VIGAN CITY (PIA) – Eksaktong 8:18 ng gabi, noong Agosto 17, 1983 naganap ang pinakagrabeng lindol sa hilagang-kanlurang Luzon sa loob ng 52 taon.

Naitala sa sentro ng lindol na Laoag City hanggang Pasuquin ang 5.3 magnitude sa Richter Scale at intensity 7 sa Rossi-Forel Scale, ayon sa website ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Naitala ang intensity 6 sa World Heritage City. Intensity 5 naman ang naitala sa Aparri, Cagayan at Santa, Ilocos Sur; intensity 4 sa Tuguegarao, Cagayan at Baguio City; intensity 3 sa Dagupan City, Callao ng Cagayan at Manila.

Pagkaraan ng 35 taon, sa pagganap ng National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa ikatlong kwarter ng 2018 sa UNESCO World Heritage City ngayong Agosto 16, 2018, gugunitain itong malakas na lindol na sumalanta sa Ilocos at karatig rehion, ayon kay Milagros Alquiza, hepe ng City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC). Ang NSED ay gagawin sa sentro ng siyudad ng Vigan, Plaza Salcedo, Saint Paul Cathedral at Plaza Maestro.

Mayroong 56 na lindol ang nakasira sa syudad ng Laoag mula noong 1862 hanggang 1981, puwera lang sa mga taong 1941-1949. Pinakamalakas dito ang naganap noong Marso 19, 1931 na mayroong intensity 7-9. Bago naganap ang lindol noong Agosto 17, 1983 may dalawang pagyanig noong Agosto 11 at 13, 1983.

Kung noon ay namatay ang 16 at nasugatan ang 47 na tao, nasira ang mga simbahan at kampanaryo ng Laoag, San Nicolas, Bacarra, Santa Monica, Vintar, munisipiyo ng Sarrat at Vintar, at ang Bojeador Lighthouse sa bayan ng Burgos, paano kung maganap ulit ang trahedyang ito?

Ito ang gustong sagutin ng NSED na nalunsad sa bansa noong 2006. Nagpapatuloy na ginagawa ito sa buong bansa kada ika-apat na buwan ng taon sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) upang maihanda ang publiko sa anumang sakuna, malaki man o maliit.

Sinusuri nito ang kahandaan ng mga lugar ng Pilipinas sa mga malalakas na lindol, ang mga planong paglikas at kahandaan ng mga opisina at bahay negosyo na bahagi ng NSED.

Upang maihanda ang siyudad, nagkaroon ng Basic Incident Command Seminar tungkol sa paghahanda sa mga malalaking sakuna tulad ng tsunami, lindol, at baha noong Agosto 2-4 sa Vigan Culture and Trade Center. Sinalihan ito ng mga taga-Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, CDRRMC, non-government-organizations, at mga empleyado ng siyudad.

Nagkaroon din ng sunod-sunod na paghahanda mula noong Hulyo 24 kung saan nag-usap ang mga miyembro ng technical working group, tulad ng pagpapaalam noong Agosto 6-9 sa komunidad at sa mga negosyo sa poblasyon tungkol sa pagganap ng NSED.

Ang CDRRMC ng Vigan ang may pinakamagandang programa sa paghahanda at pagmanehar sa mga sakuna kayat ipinagkaloob ang Gawad Kalasag ng Office of Civil Defense sa Buwan ng Disaster Resiliency noong Hulyo. Ito ang pangalawang taon na natanggap ng siyudad ang premio. Patunay ito na handa ang CDRRMC na harapin ang ano mang malaking sakuna na maaaring mangyari sa siyudad. (TNM/JND/ICR PIA1 Ilocos Sur)

, , , , , ,