Footer

NUTRITION CORNER: Mais: sagana sa bitamina, mineral at dietary fiber

Ang mais ay ikalawa sa mga pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Ang mais ay sagana sa bitamina, mineral at dietary fiber para sa maayos na pagdumi at tumutulong din upang mapababa ang kolesterol.

Ang pinakapopular na uri ng mais ay ang dilaw at ang puti.

Ang dilaw na mais ay mas malalaki ang butil kumpara sa puti  na maliliit ang butil  pero mas matamis.

Ang puting mais ay mababa ang  glycemic index.

Ang glycemic index (GI) ay classification o ranking ng mga pagkain batay sa blood glucose response ng pagkain kumpara sa standard glucose solution kung saan ang sukatan ay  mula 0 hanggang 100.

Ang mga pagkain na mas mataas sa 55 ang GI ay yung mga madaling matunaw o mabilis na nakapagpapataas ng glucose sa dugo.

Ang mga pagkain naman na mas mababa sa 55 ang GI ay mabagal matunaw at unti-unti lamang itinataas ang glucose sa dugo.

Ang mga pagkaing mababa ang GI ay nakatutulong sa tamang pangangalaga at pagkontrol ng timbang at gana sa pagkain. Ito ay sa dahilang hindi agad nagugutom ang isang tao, kaya kontrolado rin ang pagkakaroon ng diyabetis. Batay sa mga pagsasaliksik, ang mga pagkain na mababa ang GI ay tumutulong upang bumuti ang lebel ng glucose at taba  sa dugo  ng mga taong may diyabetis.

Bukod dito, ito ay nagpapanatili ng lakas ng mga manlalaro dahil sa unti-unting paggamit ng enerhiya mula sa muscles.

Kung kaya’t di nakapagtataka na maraming boksingero at runner ang regular na kumakain ng mais.#