Protocol ng Ilocos Sur, nakatulong sa contact tracing ng kaso ng COVID-19

LUNGSOD NG VIGAN — Mas napadali ang pagsasagawa ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa probinsiya ng Ilocos Sur.

Resulta ito ng maayos na pakikipagtulungan ng mga local government units (LGUs), lalong-lalo na sa protocol ng provincial government na mismong ang mga provincial bus ang maghahatid sa mga returning overseas Filipino (ROF) sa kani-kanilang bayan mula sa boarder sa bayan ng Tagudin.

Ito ang sinabi ni Governor Ryan Luis Singson sa isinagawang press conference noong Miyerkules, Hunyo 10 sa Provincial Capitol dito sa siyudad.

Mula sa sasakyan na handog ng Department of Transportation (DOTr) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na naghahatid sa mga ROF galing Maynila patungo sa kanilang probinsiya, lahat ng mga ROF na taga-Ilocos Sur ay ibinababa sa Tagudin at doon sila’y sasakay sa mga provincial bus patungo sa kanilang bayan.

Ang mga nasundong ROF ay dinadala muna sa Rural Health Unit ng LGU at doon sila ini-evaluate ng mga health workers kung kailangan ba nilang mamalagi muna sa quarantine facility o mag-home quarantine sa loob ng pitong araw.

Aniya, dahil sa protocol na ito lalong-lalo na sa koordinasyon ng mga LGU at mga establisyementong pinuntahan ng pasyente, mas napadali ang contact tracing dahil na-monitor nila ang pagpasok ng ROF dito sa probinsiya.

Base sa direktiba ng national government, mula sa Maynila sakay ng bus mula sa DOTr at OWWA ay diretso sa kani-kanilang LGU ang mga ROF, ngunit upang ma-monitor ang pagpasok ng mga residente sa probinsiya, hiniling ng provincial government ang protocol na ito.  

“Para sa safety nating lahat, hiningi ng provincial government na tayo mismo ang mag-provide ng transportation para sa ating mga ROF sa pag-uwi nila sa kani-kanilang bayan,” ani Gov. Singson.  

Ayon sa datos na inilabas ng OWWA sa Rehiyon Uno noong Miyerkules, aabot na sa 272 ang kabuuang bilang ng mga ROF na napauwi rito sa probinsiya simula noong ika-17 ng Abril 2020.  

Ipinaliwanag din ni Gov. Singson na kahit overseas Filipino worker (OFW) ang bagong kaso ng COVID-19 sa Ilocos Sur, papayagan pa rin ang mga ROF na umuwi rito sa probinsiya base sa memorandum na ibinaba ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Nakasaad sa Memorandum Circular No. 2020-087 ng DILG na hindi dapat pigilan ang lahat ng ROF lalong-lalo na kung natapos na nila ang kanilang 14-day quarantine sa Maynila at negatibo ang resulta ng kanilang COVID-19 nasopharyngeal swab test. Sumusunod lamang po tayo sa mga direktiba ng national government,” dagdag ni Singson.

Aniya, naiintindihan niya ang pangamba ng mga residente ngunit ipinasigurado niya na ginagawa ng pamahalaang panlalawigan ang lahat ng mga safety protocol sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya upang sana’y hindi na madagdagan pa ang kaso ng COVID-19 sa probinsiya.

Sa ngayon, ang Ilocos Sur ay mayroong isang aktibong kaso ng COVID-19.

Siya ay 30 taong gulang na OFW mula Taiwan na residente sa siyudad na ito at nagpositibo sa COVID-19 noong Martes, Hunyo 9. 

Kahapon, kinumpirma ni Dr. Trina Taboga-Talaga, chief ng Ilocos Sur Provincial Hospital-Gabriela Silang (ISPH-GS), na bumubuti na ang lagay ng pasyente at pagkatapos ng siyam o 10 araw ay dadaan ito sa pangalawang COVID-19 nasopharyngeal swab test.

Ang pasyente ay naka-admit sa ISPH-GS dito sa siyudad at patuloy ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente, ayon sa city government.