Setyembre

Unang buwan na kay sayang pakinggan
Mga musikang tila wala nang hanggan
Mga ilaw-dagitab na sa mata’y magaan
Mga koloreteng nagkalat sa daan.

Mahalumigmig na ang gabi
Tanda ng panahong hindi na mabawi
Kapanganakan ng Maykapal
Liglig sa pag-ibig ang siyang nukal.

Yaong mga dekorasyong nagpapaalala sa akin
Na ang buhay ay matingkad na kulay na angkin
Tulad ng isang bahagharing nagpapagaan sa aking paningin
Ngunit may musikang ang tono’y hirap kong abutin.

Buhay na buhay sa kaluluwa ko
Ang mga panahong parang bulang naglaho
Tigib at umaapaw na suklam ang siyang isinibol nito
Hungkag kong puso’y hindi ko na maalo.

Isang araw sa buwang ito ang di ko malilimutan
Isang puting gusaling aming pinuntahan
Mga nagsisilbi roo’y nakaputing hindi ko inaasahan
Mga tao’y nanggaling sa kung saan-saan.

Maging impit na salita’y walang nagbuhat sa kaniya
Akala ko panandalian lamang ay babalik na siya
Ngunit tatlong araw lang ay nahimlay na
Siyang nagbuyo kung bakit mga letra’y nabuo na.

Ang apat ay naging tatlo na noong pumalaot ang isa
Disisais ng Setyembre noong kami ay nabalisa
Tinangay ng itim na ulap ang haliging yumakap sa alapaap
Matagal na ang nakalipas ngunit sa mata ko’y hindi kumukurap.

Nasisiguro kong ang langit ay nagluksa
Luha sa bawat isa sa amin ay bumaha
Aking inang gumigising sa kaniya’y bumitaw na
Alingawngaw ng aming sigaw na namamaos na.

Pag-alab ng aking puso’y walang makasusukat
Ramdam ko ito mula loob hanggang balat
Katawan kong parang pinagbitak-bitak
Pag naiisip kong ikaw ay hindi na mayayakap.

Siya wari’y ang aking unang pag-ibig
Pagkamulat ko sa mundo’y siya’y isang manlulupig
Bayaning nagbuwis ng buhay kaniyang kahawig
Sandalan ko naman ang kaniyang bisig.

Siya’y isang pintor ng aking mundo
Siyang tagasalo kapag lakas ko’y gumuguho
Giwang ng kalsada’y kaniyang nilulukso
Upang maituwid ang aking bawat pagliko.

Hindi ko rin ito maitatanggi
Hiniling kong Setyembre’y wala na lang sana lagi
Upang makapiling pa ang amang katangi-tangi
Andap ng kirot sa maralitang puso’y hindi maiwaksi.

Taong dumatal ay aking pinagnilayan
Sibat sa dibdib ko’y nailuklok nang lubusan
Daloy ng luha sa mata’y tulad ng isang himagsikan
Adhikaing siya’y bumalik ay ipinagpipilitan.

Galimgim sa pangungulila sa isang ama
Ang pagpanaw ay masakit sa pamilya
Walang lunas sa bawat tuldik na namana
Hikbi ng dusa ang kapiling sa tuwina.

Inusisa ko minsan ang langit na bughaw
Ano ba ang dahilan ng kaniyang pagpanaw?
Ang haligi ng tahanan ay hindi na gumagalaw
Lumbay sa tahan ang siyang nag-uumapaw.

Diyos na dakila ako pa ba’y karapat-dapat
Pagmamahal sa akin na hindi ko na masukat?
Paghamak sa Iyo’y alam kong ito’y bakat
Ngunit hindi ka rin nagsawang ako’y imulat.

Nagising na lamang ako sa katotohanan
Ang buhay araw-araw ay kailangang labanan
Pagkawala ng mahal sa buhay ay nawakasan
Hindi dahil bigo at napugto na ang kaniyang kalakasan.

Ito’y paalala sa atin na ang Diyos ay makapangyarihan
Bawat isa’y makikita ang kaniyang kaharian
Kailangang iwanan ang mundong luntian
Na Diyos din ang dahilan kung bakit napapalamutian.

Patunay Niya sa atin na tayo’y nasa kaniyang palad
Na sumasalo sa kagila-gilalas na paglipad
Umaalalay kahit isang dipang pag-usad
Sumusubaybay sa masukal na paggalugad.

Gaya ng dagat na hindi napapagal sa pag-alon
Pag-ibig Niya’y balot ako sa aking pagtalunton
Tanawing sikat ng araw ang siyang lumululon
Sa ganda ng buhay biyaya’y umaambon.

Buhay ay isang bulaklak na namumukadkad sa umaga
Sa kaniyang katanghalian ay pagsigla ng pasigla
Pagdating ng dapit hapon ay umiiray pabigla-bigla
Paglubong ng araw ay hindi na ito nakikita.

Animo’y awiting sumikat sa panahon ng paglingap
Parang diyamanteng kumikislap-kislap
Magiging saksi sa iyong pait na masaklap
Kundimang kukupas at pagdaka’y magiging alaalang nag-aalab.

Oo nga’t mawawala ang sanlibutan
Mga bagay na hawak natin ay maaari nating mabitawan
Ngunit ang taong kakapit sa Diyos magpakailan pa man
Ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan.

Proprotektahan ka ng kaniyang malalabay na bagwis
Samyo ng hangin ay alapaap ang wangis
Kasaganaan sa buhay ay ipapalanghap nang labis
Mga sagot ay siguradong mahahagilap kung nais.

Isang obra maestrang nabubuhay sa aking diwa
Na kahit sinong dalubhasa’y hindi pumapangalawa
Dekalibreng sining na kahit panahon ay hindi nito nabura
Maraming aral na hitik sa bunga.

Ito ang nais ipaalala ng plumang ito
Na tayo’y ipinanganak hindi para mabigo
Tayo’y nasadlak sa pagkakadapa sa putik na ito
Na nagpapaalala na huwag dapat sumuko.

Nanginginig yaring mga kamay sa pagsulat sa mga letra
Kakambal nito’y luha na nagsasabing paalam na
Amang, ama kong walang ikalawa sa lupa
Kabutihan mo’y mananatili sa aking ala-ala.

Oktubre, Nobyembre, Disyembre
Ang timbre ay nakatuon sa Setyembre
Ang mabuhay ay talaga namang libre
Na kailanma’y hindi hahamakin ng kahit anong kalibre.