Ti Kur-itan, Kurditan, Ortograpia, Ortografia

Ni Jaime M. Agpalo, Jr.
(Maikanem a paset)

(Naipablaak pay laeng daytoy idi 2003, nasuroken a sangapulo a tawen ti napalabas, ngem gapu kadagiti isyo a limtuad pakainaigan iti kur-itan wenno kurdidtan, ken ortogapia wenno ortografia, ipablaakmi manen. (Editor)
Mga Salitang Siyokoy

Inaakala ng marami na hindi nababagay ang wikang Filipino sa mga pangangailangan ng mga Filipino ngayon dahil anila’y kulang daw ito sa mga salitang kailangan sa pagtalakay ng malalalim na paksa tulad ng agham, pilosopiya, teknolohiya, sining at iba pa. Ang karamihan sa mga taong may ganitong palagay ay wikang Ingles ang ginamit sa pag-aaral. Bagama’t ginagamit din nila ang wikang Filipino sa pang-araw-araw na usapan, kinakapos sila sa mga salitang Filipino na maaaring gamitin sa pagtalakay ng mga malalim na bagay. Mapapansin na sa halip na pagbutihin nila ang kanilang paggamit ng sariling wikang Filipino, sinisisi ng ilan ang naturang wika sa mga pagkakataon na hindi nila maisip ang mga salitang kailangan sa pananalita. Minsan sasabihin nilang, “Hindi masasabi ‘yon sa Filipino,” o “Masyadong malalim ‘yon. Hindi maiintindihan ng iba.” Tila mas madali sa kanila ang manghiram ng isang salitang Ingles na alam na nila sa halip na buklatin ang isang diksiyunaryong Filipino. At upang mapagtakpan nila ang kanilang katamaran, huhulaan na lamang nila ang isang salitang Espanyol na sa wari nila’y katumbas ng iniisip na salitang Ingles at sasabihin na lamang na ito’y bahagi ng wikang Filipino. “Accepted na ‘yan,” anila. Kadalasan ay umuubra ang ganitong estratehiya dahil magkakahawig ang maraming salitang Ingles at Espanyol sa kahulugan at baybay. Ngunit paminsan-minsan ay pumapalpak ang ganitong hula-hula at nabi-bisto tuloy ang kanilang pagkukunwari kapag ginagamit nila ang mga huwad na salita na hindi tunay na Espanyol at hindi rin naman Ingles.

Tulad ng halimaw ni Dr. Frankenstein sa kuwento, na kaniyang ginawa mula sa mga bahagi ng katawan ng iba’t ibang tao, ang mga naturang salita ay binubuo ng iba’t ibang wikang banyaga ngunit hindi naman kinikilala ang mga ito saan man sa daigdig. Mga salitang siyokoy ang tawag dito ng manunulat at makatang si Virgilio S. Almario, mula sa kathang-isip na taong-dagat na anyong lalaki ang katawan na may kaliskis at tila isda ang ulo. Ang tawag dito sa Ingles ay merman o kung babae ay mermaid.

Si Almario ay isang manunulat na matagal nang nagsisikap upang payamanin at paunlarin ang wikang Filipino. Ipinaliwanag niya sa isang pagtitipon ng kaniyang mga pitak, Filipino ng mga Filipino, kung paano nagkakaroon ng mga salitang siyokoy:

(Adda tuloyna)